Inanyayahan ni United States President Joe Biden si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang trilateral summit kasama si Japanese Prime Minister Fumio Kishida.
Sa pahayag ni White House Press Secretary Karine Jean-Pierre na ibinahagi ng US Embassy sa Manila, ang makasaysayang unang Philippines, Japan, at U.S. Trilateral Leaders Summit ay magaganap sa Abril 11, sa White House sa Washington DC.
Sa naturang pagpupulong, isusulong ng tatlong lider ang trilateral partnership ng tatlong bansa na nakabase sa matagal na pagkakaibigan, maunlad na pang-ekonomiyang ugnayan, matatag na commitment sa mga demokratikong prinsipyo, at nagkakaisang bisyon para sa malaya at bukas na Indo-Pacific region.
Dito’y titiyakin ng tatlong lider ang “iron-clad” na alyansa ng tatlong bansa at tatalakayin ang pinaigting na kooperasyon para isulong ang pang-ekonomiyang pag-unlad at makabagong teknolohiya, malinis na enerhiya at climate cooperation, at kapayapaan at seguridad sa Indo-Pacific at sa buong mundo.
Bukod dito, personal na makikipagpulong kay Pangulong Marcos si President Biden sa araw ding iyon upang talakayin ang mas malawak na kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. | ulat ni Leo Sarne