Sinabi ni Senate Majority leader Joel Villanueva na kontento si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa nagiging trabaho ng Senado at sa pagpapasa ng mataas na kapulungan ng mga priority measures ng administrasyon.
Ginawa ni Villanueva ang pahayag matapos ang naging pagpupulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ngayong araw.
Ayon kay Villanueva, binigyang diin niya rin sa LEDAC hearing ang kahalagahan ng pagpapasa ng mga panukalang batas para tugunan ang mga hamon sa sektor ng edukasyon.
Kabilang na aniya dito ang Enterprise-Based Education and Training (EBET) bill na layong tugunan ang unemployment at job-skills mismatch sa bansa.
Isa rin aniyang napag-usapan sa LEDAC meeting ang Magna Carta for Seafarers bill na una nang binalik sa Bicameral Conference Committee.
Ayon kay Villanueva, target nilang maratipikahan ang panukalang ito bago mag-adjourn ang sesyon ng kongreso bukas.| ulat ni Nimfa Asuncion