Naniniwala si Senate Subcommittee on Constitutional Amendments Chairperson Senador Sonny Angara na kailangan na ring tumulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pangungumbinsi sa mga mambabatas na suportahan ang economic charter change (chacha).
Ang pahayag na ito ng senador ay kaugnay ng sinabi ni Sen. Cynthia Villar na magiging challenge ang pangangalap ng 18 boto na papabor sa Resolution of Both Houses no. 6 o ang panukalang economic chacha.
Aminado rin si Angara na malaking hamon nga ito para sa kanilang nagsusulong ng eco chacha.
Kaya naman malaking tulong aniya kung mismong si Pangulong Marcos ang hihingi ng tulong sa mga mambabatas para maipasa ang panukala, dahil di hamak naman aniyang mas may bigat ang pakiusap ng Pangulo kaysa sa kanilang nagsusulong nito.
Kailangan rin aniyang magsama-sama ang liderato ng Senado at Kamara sa pagsisikap na makumbinsi ang mga senador na bumoto pabor sa chacha.
Inamin rin ni Angara, na kailangan talagang galingan sa pagdepensa, pagpapaliwanag at paglalatag ng mga isyu sa chacha para mas malaki ang tiyansang maaprubahan ang constitutional amendments. | ulat ni Nimfa Asuncion