Tila pasang krus na kung ituring ng mga tsuper ng pampublikong transportasyon ang panibagong pagtaas sa presyo sa mga produktong petrolyo na ipinatupad ng mga kumpaniya ng langis.
Ito’y makaraang ilarga ngayong araw ang ₱2.20 na dagdag-presyo sa kada litro ng Gasolina habang ₱1.40 naman ang umento sa kada litro ng Diesel.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Marcos Highway sa Pasig City, sinabi ng mga tsuper na dumgdag sa kanilang pasanin ngayong Semana Santa ang panibagong dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo
Para sa kanila, mabigat ito lalo’t matumal ang biyahe dahil unti-unti nang nagbabakasyon ang karamihan sa mga kababayan.
Kaya naman tiyak mababawasan ang kitang maiuuwi nila sa kanilang pamilya.
Dagdag pa nila, nangyari na ang kanilang pangamba na sa tuwing bumababa ang presyo ng langis ay may kapalit itong mas malaking umento sa presyuhan ng langis. | ulat ni Jaymark Dagala