Hinihintay na lang ng Senate Committee on Women ang sagot ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy sa ipinadala nilang show cause order.
Ayon kay Senate Committee on Women chairperson Senadora Risa Hontiveros, natanggap na ng abogado ni Quiboloy ang show cause order kaninang umaga sa Makati.
Isisilbi rin aniya ng Senate Sergeant at Arms ang show cause order sa bahay ni Quiboloy sa Davao City.
Sa ilalim ng inilabas na show cause order, binibigyan ng 48 oras si Quiboloy para sumagot at ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat ipa-contempt, arestuhin at ikulong sa Senado sa kabila ng paulit-ulit nitong pagtanggi na sumipot sa pagdinig ng Senate Committee on Women tungkol sa mga reklamo ng umano’y pang-aabuso nito sa mga KOJC member.
Sinabi ni Hontiveros na oras na sumagot na si Quiboloy ay pag-aaralan ng kanyang kumite kung katanggap tanggap ang ibibigay nitong rason sa hindi pagdalo sa Senate inquiry.
Giit ng senadora, hindi pwedeng idahilan ni Quiboloy ang kanyang seguridad dahil pwede naman siyang bigyang proteksyon ng Senado at kahit ng PNP.
Hindi na rin aniya katanggap-tanggap ang rason na mayroon itong sakit.| ulat ni Nimfa Asuncion