Kapwa pinagtibay ng House Committees on Energy at Communications Technology ang pinag-isang panukala laban sa “spaghetti wires” o sala-salabat na kawad ng kuryente at telepono para maprotektahan ang publiko at mga ari-arian.
Limang panukala ang pinag-isa para obligahin ang mga electric at communication companies na ayusin ang kanilang linya ng kuryente at kable ng telepono at internet.
Maliban sa pagiging “eye sore” may mga naaksidente na rin dito kung saan ang iba ay nasugatan at namatay.
Sakaling maisabatas, kabilang sa parusa sa lalabag na electric at communication companies ay multang P250,000 hangang P500,000 sa unang paglabag na maaaring umabot pa ng hanggang P2 million kung patuloy na babalewalain ang mga reklamo hinggil sa spaghetti wires.
Obligado rin sila na magsagawa ng regular na maintenance sa kanilang mga kable upang matiyak na hindi babagsak o makaka-disgrasya ang mga ito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes