Sa botong 284 na pabor, 4 na tutol at 4 na abstention tuluyang pinagtibay ng Kamara ang House Bill 9710 para bawiin ang prangkisa ng Swara Sug Media Corporation, na nag-ooperate sa ilalim ng business name na Sonshine Media Network International (SMNI).
Sa anim na pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises sa loob ng limang buwan ay kinakitaan ng paglabag ang SMNI sa probisyon ng prangkisa nito gaya ng Section 4 dahil sa red tagging at pagpapakalat ng fake news at sections 10, 11, at 12 patungkol sa change of ownhership nang walang tamang reportorial requirement sa loob ng tatlong dekada.
Nagsimula ang pagsisiyasat ng Kamara dahil sa alegasyon ng hosts ng programang “Laban Kasama ng Bayan” na gumastos si Speaker Martin Romualdez ng P1.8 billion para sa kaniyang mga biyahe sa loob ng isang taon.
Inamin ng SMNI na lumipat ito mula sa pagiging non-stock, non-profit corporation bilang sole corporation sa ilalim ni Pastor Apollo Quiboloy noong 2006.
Noong 2023, inilipat ito kay Bro. Marlon Acobo, nang walang abiso at pagsang-ayon ng Kongreso batay sa nakasaad sa Section 10 ng RA 1422 o kanilang prangkisa.
Ang kabiguan na sundin ang probisyong ito ay awtomatikong mauuwi sa pagbawi ng prangkisa.
Una naman nang nilinaw ni Paranaque Rep. Gus Tambunting, chair ng Legislative Franchises Committee na sasailalim sa regular na proseso ang panukalang bawiin ang prangkisa ng SMNI.
Ibig sabihin matapos aprubahan ng Kamara ay dadalhin sa Senado para doon naman talakayin at aprubahan.| ulat ni Kathleen Forbes