Sinertipikahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang urgent bill ang panukalang amyenda sa Government Procurement Act (Senate Bill 2593).
Una nang nakasama sa priority measure ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang panukala.
Inaasahang makakatulong ang panukalang Government Procurement Reform Act (GPRA) na mas mapabilis at mas mapahusay ang procurement process sa pamahalaan.
Kabilang sa mga isinusulong na reporma dito ang pag-aatas sa mga ahensya ng gobyerno na magkaroon ng maayos na pagpaplano at maagang pagpapatupad ng procurement activities.
Nakasaad rin dito ang tinatawag na Most Economically Advantageous Responsive Bid (MEARB) na tutugon sa mga usapin hinggil sa award criterion na nakalahad sa RA 9184.
Sa pamamagitan nito, titiyaking hindi lamang makatitipid ang pamahalaan, kundi sisiguruhin ding dekalidad rin ang produkto o serbisyong mabibili nito.
Aatasan sa ilalim ng panukalang batas na ito ang Department of Budget and Management (DBM ) na lumikha ng procurement positions sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, para masiguro na mahuhusay at propesyonal ang mga itatalagang procurement practitioners ng pamahalaan.
Sa ngayon ay nasa period of interpellation pa ng senado ang GPRA bill.| ulat ni Nimfa Asuncion