Prinisinta na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na layong tugunan ang problema ng job-skills mismatch at employability ng mga Pilipinong manggagawa sa pamamagitan ng pagpapahusay ng private sektor training initiatives
Sa sponsorship speech ni Senate Majority Leader Joel Villanueva para sa Senate bill 2587 o ang “Enterprise-Based Education and Training Framework bill,” layong makapaglatag ng framework para mapag-ugnay ang lahat ng enterprise-based education and training modalities kasama ang mga programa para sa apprenticeship, learnership at dual training system (DTS).
Giit ni Villanueva, sa pagsusulong ng mga inisyatibong lumikha ng trabaho ay mahalagang sabayan ito ng pagtugon sa pangangailangan ng kakayahan na tugma o akma sa mabilis na pagbabago ng teknolohiya.
Pinunto ng senador, na ang mga job-skills mismatch ay nakakaapekto sa unemployment at underemployment sa bansa base na rin sa 2023 preliminary report ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa ilalim ng naturang panukala, ang TESDA ang mangunguna sa pagpapatupad ng framework kabilang ang pagtatakda ng mga polisiya at panuntunan, program registration, quality assurance at evaluation ng enterprise-based education and training (EBET) programs
Isinusulong rin ng panukala ang partisipasyon ng private sector bilang ka-partner sa pagtugon sa job-skills mismatch. | ulat ni Nimfa Asuncion