Panibagong specialty hospital ang inaasahang maipapatayo kasunod ng pag-apruba ng House Committee on Health sa panukalang magtatatag ng Liver Center of the Philippines.
Ayon kay ANAKALUSUGAN party-list Rep. Ray Reyes ang pagtutulak sa pagkakaroon ng Liver Center ay bunsod ng dumaraming kaso ng liver disease sa bansa.
“Tumataas yung mga incidents ng liver disease. Naisip po na para bago pa umabot sa kinakailangan na madalian na pong magawa yang liver center, ay ngayon palang agapan na natin. Again, mas madali yung maagapan kaysa yung nag hahabol na tayo sa huli. So, yun po yung nature po ng pagtataguyod ng liver center na may sariling specialty buildings narin po sila para sa tamang capital expenditures mga specialty facilities,” sabi ni Reyes sa isang pulong balitaan.
Dagdag pa ng mambabatas na kung kagyat itong maisabatas ay maisasama rin ang sakit sa atay sa mga sakit na matutugunan sa mga itatatag na regional special centers sa buong bansa.
Binigyang diin naman ni Iloilo Rep. Janette Garin ang kahalagahan na magkaroon ng isang ‘bahay’ ang lahat ng usapin at pagtugon tungkol sa sakit sa atay.
Bagamat may kapasidad naman na aniya ang bans ana magsagaw ang liver transplant, walang iisang institusyon para sa training, research at iba pa na may kinalaman sa paggamot sa sakit sa atay.
“Wala tayong nagmo-monitor at nagsu-surveillance dito. Marami tayong mga espesyalista pero tama si Cong. Ang sinasabi ni Cong Reyes ay dapat meron kang isang bahay. It will be a reference, a national reference liver center. And at the same time repository ng impormasyon. Kasi sa siyensya hindi fixed…ang dami nating magagaling na doktor. We can actually do liver transplants. Pero iyon nga ang problema. Wala silang bahay, walang institusyon, walang National Training Center and repository,” sabi ni Garin.
Ipinaalala din nito ang importansya ng pagbabakuna kontra Hepatitis B. Aniya kung ang isang indibidwal ay bakunado kontra hepatitis, mag positibo man ito sa naturang sakit ay hindi ito aabot sa hepato-cellular carcinoma.
Pinayuhan din ng dating Health secretary ang publiko na maghinay-hinay sa pag-inom ng alak dahil isa rin sa sanhi ng sakit sa atay ay ang labis na pag-inom ng alak.| ulat ni Kathleen Forbes