Nakatakdang pag-isahin ng House Committee on Transportation ang nasa limang panukala na layong magpataw ng mas mabigat na parusa para sa mga masasangkot sa ‘road rage’.
Isa dito ang House Bill 8991 na pangunahing iniakda ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo.
Sa kaniyang bersyon, nakasaad na sinumang sangkot sa road rage, na nagresulta sa kamatayan ay ikukulong ng anim hanggang 12 taon at pagmumultahin ng hindi bababa sa P250,000 ngunit hindi hihigit sa P500,000.
Tinukoy pa ng mambabatas ang datos ng Metro Manila Development Authority (MMDA), kung saan malaking bahagi ng 72,000 na aksidente sa kalsada na nangyari sa Metro Manila noong 2022 ay kaugnay ng ‘road rage’.
Suportado naman ni Davao de Oro 2nd District Rep. Ruwel Peter Gonzaga, isa rin sa naghain ng kahalintulad na panukala ang panawagan ni Tulfo na i-consolidate na ang mga panukala.
Sa kaniya namang bersyon, inirerekomenda niya na sa mga kaso na nagresulta sa kamatayan, ang parusa ay pagkakakulong ng hanggang 20 taon o Reclusion Temporal.
Isang technical working group ang binuo para plantsahin ang consolidation ng mga ‘road rage bills’. | ulat ni Kathleen Jean Forbes