Nagpahayag ng pagkabahala si OFW party-list Rep. Marissa Magsino kasunod ng napaulat na presensya ng surot at daga sa NAIA bukod pa sa patuloy na congestion sa loob ng paliparan.
Ayon sa mambabatas, hindi lamang ito nagdudulot ng pangamba at hindi komportableng karanasan para sa mga pasahero bagkus ay nakakaapekto rin sa imahe ng bansa sa pandaigdigang komunidad.
Umaasa naman ang lady solon na sa ginagawang komprehensibong inspeksyon sa kaangkupan at sanitation sa pasilidad ng paliparan ng Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA) ay matukoy din kung ano ang contributing factors sa patuloy na mahabang pila sa immigration.
Paalala ni Magsino na ang mga paliparan ay hindi lamang gateway sa tourism industry kung hindi pati ng labor migration.
Kaya naman anumang pagkaantala sa paglipad ng OFWs ay naglalagay ng kanilang kabuhayan sa alanganin. | ulat ni Kathleen Jean Forbes