Inanunsyo ng Malacañang ngayong gabi (March 25), na sa bisa ng Proclamation no. 45, pagpatak ng alas-12 ng tanghali sa Miyerkules (March 27), suspendido na ang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan sa buong bansa.
Ito ay upang bigyang daan ang publiko na bibiyahe o uuwi sa iba’t ibang lugar sa bansa, para sa ganap na obserbasyon ng Mahal na Araw.
Hindi sakop ng proklamasyon ang mga tanggapan ng pamahalaan na may kaugnayan sa delivery ng basic at health services, paghahanda at pagtugon sa kalamidad, at iba pang tanggapan na ang tutok ay nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa publiko.
Kaugnay nito, ipinauubaya na ng Malacañang sa pribadong sektor ang pasya kung magpapatupad rin ng suspensyon ng pasok sa kanilang mga tanggapan sa Miyerkules.
Pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang proklamasyon, ika-25 ng Marso, 2024. | ulat ni Racquel Bayan