Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez sa mga Palaweño ang patuloy at buong suporta ng pamahalaan, hindi lang sa 3rd Congressional District pati sa buong lalawigan.
Ginawa ng House leader ang pahayag sa harapan ng mga lokal na opisyal ng Puerto Princesa City at munisipalidad ng Aborlan.
Si Romualdez ang nagsisilbi ngayong caretaker ng naiwang distrito ng namayapang Representative Edward Hagedorn.
“In my capacity as your Legislative District Caretaker and as Speaker of the House, I pledge to marshal all necessary resources to support our key development priorities. This commitment extends beyond mere words; it is a promise already set into motion. The support from Congress for Puerto Princesa and Palawan will remain steadfast and unyielding,” ani Romualdez.
Sinabi ng House leader bilang pagkilala sa legasiya ni Hagedorn ay naglatag sila ng mga programa sa imprastraktura, kalusugan, agrikultura, teknolohiya, at edukasyon upang lalo pang mapalago ang Palawan at makilala bilang global tourist destination.
Ilan sa mga programang ito ang pagpapalakas sa Ospital ng Palawan, pagtatatag ng cruise port facilities, at libreng Wi-Fi sa mga pampublikong lugar.
Maliban naman sa pagpapalakas ng turismo ng Palawan ay pursigido aniya ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang ating soberanya at interes partikular sa West Philippine Sea.
Kaya sa 2024 budget ay naglaan ng malaking pondo para sa pagpapabuti ng pasilidad sa Pag-asa Island. | ulat ni Kathleen Jean Forbes