Nagpahayag ng malaking kumpiyansa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay San Miguel Corporation President Ramon S. Ang sa gagawin nitong rehabilitasyon sa NAIA sa ilalim ng public-private partnership.
Ang pahayag ay ginawa kasunod ng ginanap na pirmahan ng NAIA – PPP Project Concession Agreement na sinaksihan ng Pangulo sa Malacañang.
Ayon sa Pangulo, mga pasahero ang makikinabang sa nasabing concession agreement at tiwala siyang magagawa ng nanalong bidder ang commitment nito na mapaganda ang NAIA pati na ang serbisyo nito.
Kailangan na talaga ayon sa Punong Ehekutibo na sumailalim sa overhaul ang NAIA lalo’t hindi na maganda ang reputasyon ng pangunahing paliparan sa bansa bukod pa sa mga abala na kinakaharap dito ng mga pasahero.
Ang proyekto ayon sa Punong Ehekutibo ay hindi lamang magdudulot ng mas magandang pasilidad at serbisyo sa mga tao kundi panalo din aniya ang gobyerno dahil sa halos isang trilyong pisong makukuha nito sa NAIA – PPP project concession agreement. | ulat ni Alvin Baltazar