Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may inilabas na siyang direktiba sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno kaugnay ng huling pambobomba ng tubig ng China Coast Guard sa tropa ng gobyerno sa West Philippine Sea.
Ayon sa Chief Executive, may kautusan na siyang ibinigay kina National Security Adviser Eduardo Año at Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. kasunod ng naging pagpupulong nitong Martes sa Malacañang.
Sinabi ng Pangulo na nailatag na ng DND at ng National Security ang kanilang rekomendasyon sa kaniya at pagkatapos nito’y dumaan pa sa kaukulang konsultasyon.
Hindi naman nagbigay pa ng detalye sa ngayon ang Pangulo sa kung ano ang inisyu nitong direktiba kina Secretary Teodoro at Año.
Nagresulta ang pinakahuling harassment ng China Coast Guard hindi lamang ng pagkasira ng Unaizah May 4 vessel kundi pagkasugat din ng tatlong Philippine Navy personnel dahil sa ginawang pambobomba ng tubig. | ulat ni Alvin Baltazar