Patuloy ang ginagawang paghahanda ng mga operating unit ng Philippine Coast Guard (PCG) na inaasahang naka-heightened alert simula sa March 23 hanggang April 3 para sa Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2024 ng Department of Transportation.
Ayon kay PCG Coast Guard Admiral Ronnie Gil Gavan, binigyang direktiba na niya ang lahat ng distrito, istasyon, at sub-station ng PCG upang paigtingin ang seaborne patrols at matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga pantalan sa buong bansa.
Inihayag naman ni PCG Spokesperson Coast Guard Admiral Armando Balilo, na magiging 24/7 na monitoring ng nautical highways sa western at eastern seaboard gayundin ang inter-island na ruta.
Ito ay upang matiyak ang maayos na operasyon ng sea transport facilities, maginhawang biyahe sa dagat, at masiguro ang kaligtasan ng mga local at foreign tourist sa mga beach resort.
Ide-deploy din ang mga medical officer ng PCG upang tumulong sa mga medical team sa sakaling magkaroon ng emergency.
Nakikipagtulungan din ang PCG sa Maritime Sector ng DOTr gaya ng Philippine Ports Authority at Maritime Industry Authority, sa pagtitiyak ng vessel safety at security inspection pati na ang pagpapaala sa mga pasahero na maging alerto sa kanilang biyahe. | ulat ni Diane Lear