Ibinahagi ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nasa apat hanggang limang beses nang nangyari ang glitch sa pagbola ng Lotto.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Games ngayong araw, inamin ni PCSO Assistant General Manager Arnel Casas na bukod sa nangyaring glitch sa Swertres Lotto noong February 27, apat hanggang limang beses nang nangyari ang parehong glitch sa Lotto draw mula taong 1995.
Tiniyak naman ni Casas sa Senate panel na inaayos na nila ang procedures ng kanilang Lotto draw para matiyak na tuloy pa rin ang live broadcast ng Lotto draw kahit pa magkaroon ng glitch sa pagbobola at habang inaayos nila ang problema.
Nilinaw rin ng opisyal na naka record naman ang buong proseso ng pagsasaayos nila ng makina.
Sinabi naman ni Senador Raffy Tulfo na dapat resolbahin agad ng PCSO ang naturang problema para mawala ang duda ng publiko sa integridad ng Lotto games. | ulat ni Nimfa Asuncion