Ibinasura ng Supreme Court ang petisyon na humihingi na ideklarang iligal ang rules and regulations na sumasakop sa mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) na inaprubahan noong 2016.
Sa En Banc decision ng Korte Suprema, nagkaroon umano ng technical grounds dahil hindi napag-isa ng mga petitioner ang kanilang mga petisyon na kumukwestyon sa legalidad ng POGO.
Ang rules and regulations ng POGO ay inaprubahan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na sumasakop sa pagproseso ng licensing, accreditation, at registration ng mga offshore gaming operators, offshore gaming agents, at iba pang service providers.
Sa 15-page en banc ruling, hindi pinagbigyan ang hiling ng petitioners na Union for National Development and Good Governance Philippines, Anti-Trapo Movement of the Philippines, Inc., at isang Atty. Jovencio Evangelista.
Bukod dito, wala din daw legal standing ang petitioners para ipakita na mayroon silang direkta at personal interes sa pagpapatupad ng rules and regulations o kaya ay mabigat na ebidensya na sila ay naapektuhan.
Hindi rin pinagbigyan ng SC ang hinihingi nila na temporary restraining order o kaya ay writ of preliminary injunction, dahil hindi naman daw ito nangangailangan ng mabilis na pagtugon para mapigilan ang anumang collateral damage. | ulat ni Michael Rogas