Nanindigan ang Philippine Army na hindi nila kukunsintihin ang pang-aabuso ng kanilang mga tauhan sa kanilang mga asawa at pamilya.
Sa isang mensahe, sinabi ni Philippine Army Spokesperson Colonel Louie Dema-ala na pinapahalagahan ni Philippine Army Chief Lieutenant General Roy Galido ang kabanalan ng pamilya dahil malaki ang epekto nito sa propesyonal na pag-unlad at personal na pananaw sa buhay ng isang sundalo.
Ayon kay Dema-ala, seryosong ipinatutupad sa Philippine Army ang Gender Based Violence Referral System, na sumisimbolo sa commitment ng Philippine Army pagdating sa usapin ng gender equality at well-being ng kanilang sundalo at dependents.
Ang pahayag ng Philippine Army ay sa gitna ng pagkakaantala ng promosyon ng isang Army official na si Brigadier General Ranulfo Sevilla matapos na maghain ng apela ang kaniyang asawa sa Commission on Appointments, dahil sa umano’y pang-aabuso at hindi pagbibigay ng nararapat na sustento para sa kaniyang pamilya. | ulat ni Leo Sarne