Ikinagalak ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang paghahayag ng suporta ng Philippine Army sa PTFoMS.
Ayon kay Undersecretary and PTFoMS Executive Director Paul Gutierrez, naging matagumpay ang ginawang pagbisita ng Task Force sa Philippine Army makaraang tiyakin ng huli ang pagbibigay ng buong suporta sa adbokasiya ng Media Task Force.
Layon aniya nito na mas mapalakas ang pagkakaroon ng ligtas at payapang kapaligiran para sa mga Filipinong mamamahayag sa bansa.
Tiniyak din aniya ng Philippine Army na tutulong ang mga sundalo na mabigyan ng katarungan ang mga miyembro ng media na biktima ng karahasan.
Ang pagtiyak ay ginawa ni Lieutenant General Roy Galido, Commanding General, Philippine Army (CGPA) kay Usec. Gutierrez, sa ginawang courtesy call ng huli sa Army headquarters, sa Fort Bonifacio kahapon, March 4, 2024.
Kabilang sa nasabing pulong sina Atty. Hue Jyro Go, PTFoMS Chief of Staff, Venet Andal, HEA; Col. Joel Malig, G7 PA; at Col. Louie Dima-ala, Chief ng Public Affairs Office ng Philippine Army. | ulat ni Mike Rogas