Pormal nang pinasinayaan ngayong araw ang Philippine Cancer Center (PCC) sa Quezon City.
Pinangunahan ito ni Speaker Martin Romualdez kasama ang mga Quezon City lawmaker, Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manny Bonoan at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) President Emmanuel Ledesma.
Bahagi ito ng legacy hospital project ng Marcos Jr. Administration.
Ang PCC ay isang 20 palapag na gusali na may 230 bed capacity at kabuuang pondo na P3.6 billion kung saan P1.8 billion ang para sa unang phase.
Taong 2019, nang ihain ni Speaker Romualdez na noon ay Majority leader pa lamang ang panukala para sa pagtatatag ng isang modernong cancer center at research, para tugunan ang pangangailangan ng mga pasyente na may sakit na cancer.
Maliban sa mga modernong kagamitang medikal ay mayroon ding halfway house ang PCC para sa mga pamilya mula probinsya gayundin ang dormitoryo para sa mga medical staff.
“Hindi lamang mabibigyan ng ospital ang mga may sakit ng kanser. Bibigyan din na sila ng mga world-class na doctors at nurses na sasanayin na, at bibigyan ng kailangang suporta.” sabi ni Romualdez
Pagbibigay diin ng Speaker Romualdez, batid niya ang hirap na dinadanas ng mga cancer patient dahil mismong ang kaniyang ama ay pumanaw dahil dito.
Sabi pa ni Romualdez, na ang pagsasama-sama sa pagtataguyod ng proyektong ito na gaya ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay sama-samang babangon ang mga Pilipino.
“Today, we lay down the first stone of what will be a sanctuary for healing and hope. Together, let’s build a future where cancer is no longer a feared enemy, but a challenge that, with compassion, dedication, and innovation, we can overcome.” dagdag pa ni Speaker Romualdez
Nagpasalamat naman si DPWH Sec. Manny Bonoan sa tiwala ng House leadership sa ahensya na pangunahan ang pagpapatayo sa ng PCC, na aniya ay ang kauna-unahang pinakamataas na gusali na kanilang itatayo. | ulat ni Kathleen Forbes