Inanunsyo ng Philippine Consulate General sa Los Angeles, USA na simula ngayong Marso ay tatanggapin na bilang mode of payment ang credit cards para sa mga serbisyong inaalok ng konsulado.
Ayon sa pahayag ng Philippine Consulate, simula ika-5 ng Marso tatanggapin na nito ang mga credit card payments mula sa mga pangunahing bangko sa Estados Unidos tulad ng Visa, MasterCard, American Express, at Discover.
Layunin umano ng hakbang na ito na mapadali ang trasaksyon at para tanggalin ang mga alahahanin ng mga aplikante sa konsulado sa pagdadala ng cash.
Binigyang-diin naman ni Consul General Edgar Badajos ang pangako nito sa tuloy-tuloy na pagpapabuti sa mga serbisyo para sa pagbibigay ng mas malaking kaginhawaan para sa mga Pilipino at publiko.
Sa kabilang banda, patuloy pa ring tatanggap ang konsulado ng cash, money order, at manager’s checks bilang mode of payments, mayroon namang karagdagang 4% na convenience fee ang mga credit card transactions na itinakda para sa service provider na kinontrata ng Consulate General para sa pag-setup ng e-payment system. | ulat ni EJ Lazaro
📸: DFA