Malapit nang mapakinggan at mapanuod sa Radyo Pilipinas ang bagong programa ng Philippine Information Agency.
Kasunod ito ng nilagdaang memorandum of agreement sa pagitan ng PIA at ng Presidential Broadcast Service ngayong araw.
Pinangunahan nina PIA Director Gen. Joe Torres, DDG Kat de Castro, PBS-BBS DG Rizal Giovanni Aportadera Jr., at Station Manager Allan Allanigue ang paglagda sa kasunduan tungo sa pinalakas na ugnayan ng dalawang ahensya sa ilalim ng Presidential Communications Office.
Nagpasalamat si PIA DG Torres sa PBS sa pagpapahintulot na mai-ere ang kanilang bagong programa na inaasahang magiging daan sa pinalawak pang presensya ng official public information arm ng gobyerno.
Sa pamamagitan aniya ng kolaborasyong ito, mas pinaiigting ng government media ang kampanya nito sa media literacy at gayundin ang pagsusulong ng ‘Bagong Pilipinas’ ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi naman ni PBS-BBS DG Bong Aportadera na hindi lang mapapakinggan sa RP1 Central at sa RP regional stations ang bagong programa ng PIA kundi eere din ito sa Digital Free TV sa tulong ng kolaborasyon ng RP1 at ng PTV.
Mapapanuod ang pilot episode ng bagong programa ng PIA sa darating na April 3, 2023 mula 1-2pm. | ulat ni Merry Ann Bastasa