Nakahanda na ang Philippine Red Cross (PRC) na rumesponde sa anumang medical emergency ngayong Semana Santa.
Ayon sa PRC, simula March 21 hanggang March 31 magde-deploy ito ng mahigit 2,000 volunteers para mag-operate sa 200 first aid stations, ambulance units, at roving units na naka-puwesto sa mga pantalan, paliparan, pangunahing mga kalsada, bus terminal, at simbahan sa buong bansa.
Sinabi ni PRC Chairman at CEO Richard Gordon na taon-taon nilang pinaghahandaan ang paggunita ng Mahal na Araw lalo pa’t inaasahang maraming magsisiuwian sa mga lalawigan kaya’t dapat aniyang handa sa medical emergency.
Kabilang sa mga serbisyo na inaalok ng mga PRC welfare desk ay first aid, pagtulong na mahanap ang mga nawawalang kasama o kamag-anak, at psychosocial support.
Nagpaalala rin ang PRC sa publiko na siguruhing nasa kondisyon ang sarili at ang gagamitin sasakyan bago ito ibiyahe upang makaiwas sa mga abala at aksidente sa kalsada. | ulat ni Diane Lear