Halos abot kamay na ng Pilipinas ang isang mas bukas at matatag na ekonomiya.
Ito ang binigyang-diin ni Speaker Martin Romualdez matapos aprubahan ng Kamara ang Resolution of Both Houses No. 7 o panukalang amyenda sa ilang economic provision ng 1987 Constitution.
Sa kaniyang talumpati bago magsara ang sesyon, sinabi ng House leader na hindi lamang ito mahalaga para sa ating ekonomiya. Bagkus tugon ito sa hangarin ng mga Pilipino para sa isang maunlad at matiwasay na kinabukasan.
Dagdag pa ni Romualdez na kailangan mabuksan ang ekonomiya para mas lalong maging matibay at matatag ito sa hamon ng makabagong panahon.
“Malinaw ang panawagan ng ating mamamayan. Kailangan nila ng mas maraming trabaho. Posible lamang ito kung maraming negosyong papasok sa ating bansa. Kailangan din nating buksan ang ating ekonomiya para mas lalong maging matibay at matatag ito sa hamon ng makabagong panahon. Obligasyon natin ito sa ating mga anak at sa susunod na henerasyon,” sabi ni Romualdez.
Partikular na aamyendahan ang Article 12, Article 14, at Article 16 sa pamamagitan ng paglalagay ng mga katagang “unless otherwise provided by law.”
Nasa 288 ang bumoto pabor sa RBH7 o higit pa sa kinakailangan na 3/4 vote na katumbas ng 232 na boto. | ulat ni Kathleen Jean Forbes