Naniniwala si Speaker Martin Romualdez na malaki ang magiging benepisyo ng Pilipinas sa working visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Germany at kaniyang state visit sa Czech Republic, lalo na sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.
Aniya, sa nakatakdang pagkikipagpulong ng Pangulong Marcos sa lider ng dalawang mga bansa, ay igigiit nito ang posisyon ng Pilipinas sa pagpapalakas ng ugnayan sa mga bansa na kapwa isinusulong ang rules-based international order.
Inaasahan na rin aniya na itutulak nito ang pagpapaigting sa relasyong bilateral at ekonomiya kasama ang dalawang bansa, na kapwa pakikinabangan sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan.
Maliban dito, nakatakdang pagtibayin ang Joint Declaration of Intent on Strengthening Maritime Cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Germany sa pagbisita ng Pangulong Marcos sa Berlin.
Diin ni Romualdez, na sa gitna ng pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea mahalaga ang pagtalima sa international law para mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
“These visits would serve to bolster bilateral relations, enhance economic cooperation, and reinforce the Philippines’ standing in the international community. Amidst complex geopolitical challenges, fostering strong alliances with nations sharing similar values is imperative for safeguarding our sovereignty and territorial integrity,” sabi ni Speaker Romualdez
Nito lamang Marso 5, apat na Pilipino ang nasugatan matapos i-water canon ng dalawang barko ng China Coast Guard ang Unaizah Mae 4 na siyang naghahatid ng suplay sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Bago ito, sinagi rin ng isang China Coast Guard vessel ang BRP Sindangan, na nagdulot ng “superficial structural damage.”
Ani Romualdez, suportado nila sa Kamara ang diplomatic initiatives ni Pangulong Marcos para isulong ang interes ng Pilipinas sa global stage.
Ang Czech Republic at Germany ay kabilang sa 16 na bansa mula Europa na naglabas ng pahayag noong Hulyo 2023 na sumusuporta sa laban ng Pilipinas sa soberanya nito sa West Philippine Sea bilang pag-aalala sa 2016 Arbitral Ruling na ibinaba ng The Hague na nagbabasura sap ag-angkit ng China sa kabuuan ng South China Sea. | ulat ni Kathleen Forbes