Kaisa ng Pilipinas ang Estados Unidos na nababahala sa patuloy na pagiging agresibo ng China sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Pahayag ito ni US Senator Kirsten Gillibrand kasunod ng pinakahuling insidente ng paggamit ng water cannon ng China laban sa Philippine vessel na tutungo sana sa Ayungin Shoal upang maghatid ng supply sa mga sundalo na nasa BRP Sierra Madre.
“We share your concern about China’s aggression with regard to many of the issues around the Philippines. We stand with you and we want to continue to stand by you, and with you, and to push that aggression back appropriately,” —Senator Gillibrand.
Sa courtesy call ng US Congressional delegation sa Malacañang ngayong hapon, isa ang geopolitical issues na kinakaharap ng Pilipinas, sa mga binuksang usapin ni Pangulong Marcos sa pulong.
Nakakuha naman ng suporta ang Pangulo mula sa US lawmakers.
Ayon sa US Senator, nakatindig sila kasama ng Pilipinas, sa pagpalag sa agresyon ng China, nang naaayon.
Kasama ng senadora na bumisita sa Malacañang sina US Senators Jeanne Shaheen, Roger Marshall, Mark Kelly, Cynthia Lummins, Michael Bennet at Representative Adriano Espaillat.
Kung matatandaan, si US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson naman, una na ring binigyang diin na kaisa ng Pilipinas ang Estados Unidos laban sa paulit -ulit na pambra-braso ng China sa bansa.
“The US stands with the Philippines against PRC’s repeated dangerous maneuvers and water cannons to disrupt Philippine Coast Guard lawful activities in the Philippine EEZ… The PRC’s interference with the Philippine freedom of navigation violates international law and threatens a free and open Indo-Pacific,” -Ambassador Carlson. | ulat ni Racquel Bayan