Pinangunahan ng Department of Health (DOH) kasama ang iba’t ibang grupo mula sa sektor ng kalusugan, edukasyon, at mula sa mga local government, ay tagumpay na nakamit ang Guinness World Record para sa Largest Human lung formation bilang pagkakaisa laban sa sakit na tuberculosis para sa World TB Day 2024.
Nagsimula kaninang ala-5 ng umaga sa Quirino Grandstand, sinubukan ng Pilipinas na makamit ang nasabing world record.
Ayon sa mga representative mula sa Guiness, aabot sa 5,596 katao ang nakilahok para buuin ang nasabing lung formation dahilan upang makamit ng Pilipinas ang world record.
Maliban dito, nagsalita din sa entablado sa pangunguna ni DOH Sec. Ted Herbosa ang kanilang suporta para tuldukan ang sakit TB.
Maliban kay Herbosa, nagpakita rin ng kanyang suporta si Manila Mayor Honey Lacuna, mga grupo tulad ng World Health Organization (WHO), USAID, PhilCAT, at marami pang iba.
Ayon sa DOH, may solusyon sa sakit na TB, at ito ang TB-DOTS o Tutok Gamutan na sinasabing pinakamabisang paraan para magamot ang TB. Kailangan lamang ng di bababa sa 6 na buwan na tuloy-tuloy ang gamutan. Iinumin ang mga gamot para sa TB araw-araw sa gabay ng health service provider.| ulat ni EJ Lazaro