Pumalo na sa higit ₱357.4 million ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa iba’t
ibang rehiyon sa bansa dulot ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary at Spokesperson Arnel De Mesa, pinakamataas na pinsala ay naitala sa Western Visayas partikular sa Iloilo na aabot sa ₱127 million sunod ang Oriental Mindoro na na may ₱56 million.
Sa ngayon, umabot na sa 6,600 ektarya ng mga pananim ang nasira. Nasa 1,100 na ektarya dito ay totally damage habang nasa 5,400 ektarya ang partially damage at may tiyansa pang makarekober.
Sinabi pa ni De Mesa na maliit na porsiyento lang ng pananim na palay ang naapektuhan ng tagtuyot.
Kung ikukumpara aniya ang epekto ng strong El Niño ngayong taon sa mga nagdaang tagtuyot partikular noong 1997 ay hindi pa ito gaano kabigat.
Pagtiyak pa ni De Mesa na pagkatapos ng El Niño, pinaghahandaan na rin ng DA ang pagpasok ng La Niña sa ikalawang hati ng taon. | ulat ni Rey Ferrer