Umapela ang environmental watchdog group na EcoWaste Coalition sa publiko na gawing mas makabuluhan ang paggunita ng Semana Santa sa pamamagitan ng pag-iwas sa single-use plastics (SUPs).
Ang panawagan ay kasunod na rin ng inaasahang pakikiisa ng maraming Katoliko sa iba’t ibang aktibidad ngayong Holy Week kabilang ang “Pabasa,” “Bisita Iglesia,” “Alay-Lakad” sa Antipolo City, “Santo Entierro,” at Easter “Salubong.”
Sa mga nakalipas kasi aniyang taon ay naobserbahan ng grupo ang patuloy na pagkakalat sa mga kilalang pilgrimage churches at sites kung saan karamihan ng mga iniiwang basura ay mga used plastic bags, bottles, cups, cutlery, upos ng sigarilyo, at food containers.
Ayon kay Ochie Tolentino, Zero Waste Campaigner ng EcoWaste Coalition, umaasa itong makiisa ang mga mananampalataya para maging climate-friendly at SUP-free ang paggunita ng Semana Santa ngayong taon.
“We are again appealing to all Catholic devotees to follow the eco-mantra ‘take nothing but pictures, leave nothing but memories, kill nothing but time’ as they carry out or participate in spiritual activities, or go out of town during the long weekend with their relatives and friends,” ani Tolentino.
Kasunod nito, pinayuhan ng Ecowaste ang mga mananampalataya na huwag gumamit at magtapon ng SUPs lalo sa mga pilgrimage sites, bawasan ang paggamit ng plastic tarpaulins sa mga iaanunsyong Holy Week activities, at ugaliing ihiwalay ang waste materials.
Para naman sa mga makikiisa sa mga Alay-Lakad at Senakulo, iwasang magkalat at manigarilyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa