Nagpaalala ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa mga magulang na kung maaari ay huwag iwan sa sasakyan ang kanilang mga anak.
Ginawa ni PNP Chief, Police General Benjamin Acorda Jr. ang pahayag kasunod na rin ng pagkasawi ng dalawang paslit na kinapos ng hininga habang sila’y naglalaro sa loob ng sasakyan sa Brgy. Malabanias, Angeles City, Pampanga noong isang linggo.
Ayon sa PNP chief, kung hindi maiiwasan na iwanan ang mga anak, makabubuting iwang bukas ang kotse at tiyaking may makakasama ang mga bata sa loob ng sasakyan.
Sinabi pa ng PNP chief na ngayong mainit ang panahon ay lubhang napakadelikado lalo na sa mga bata kung hindi sila mabibigyan ng tamang bentilasyon.
Bukod dito, pinayuhan din ni Acorda ang mga aalis sa kanilang mga tahanan para magbakasyon na tiyaking ligtas ang mga iiwanan nilang bahay mula sa mga manloloob gayundin sa mga bagay na maaaring pagmulan ng sunog. | ulat ni Jaymark Dagala