Inanunsyo ng Philippine National Railways (PNR) na magkakaroon na ng biyahe ng mga bus mula Alabang papuntang Tutuban, at pabalik, sa darating na March 28, 30, at 31 kung saan isang oras ang magiging pagitan ng bawat biyahe.
Ito ay kasabay ng pansamantalang tigil-operasyon ng PNR sa nasabing rura simula sa March 28, Huwebes Santo upang magbigay daan sa konstruksyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) Project sa Metro Manila.
Ayon abiso, aalis ang unang biyahe ng bus sa Alabang ng 5:30 AM, at ang unang biyahe naman ng bus sa Tutuban ay aalis ng 7 AM. Habang ang huling biyahe ng bus mula Alabang papuntang Tutuban ay 7 PM, at ang biyaheng Tutuban patungong Alabang ay 9 PM.
Suspendido naman ang biyahe ng bus sa March 29, Biyernes Santo.
Magbabalik ang biyahe ng mga bus sa March 31 at April 1. Simula sa April 1, 30 minuto na lamang ang magiging pagitan ng bawat biyahe ng bus sa mga nasabing ruta.
Matatandaang sinabi ng Department of Transportation na maglalagay sila ng mga bus sa kaparehong ruta na mula Tutuban hanggang Alabang at pabalik para sa mga apektadong pasahero. | ulat ni Diane Lear