Para kay Mandaluyong Representative Neptali Gonzales II, Chair ng House special committee on the West Philippine Sea, panahon nang isama sa pagpopondo ng pamahalaan ang pagpapalakas sa pagbabantay sa ating West Philippine Sea.
Matatandaan aniya na sa 2024 national budget ay nagkaroon ng isyu matapos alisan ng pondo ang ilang civilian agencies para mailipat sa security agencies na nagbabantay sa West Philippines Sea.
Kaya naman sa pagpaplano ng pambansang pondo para sa susunod na taon, maliban sa edukasyon, at kalusugan ay buhusan na rin ng pondo ang mga pangangailangan para mabantayan ang ating teritoryo.
Punto ni Gonzales, para mapalakas ang presensya ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo ay kailangan na madagdagan ang ating mga barko na nagpapatrolya doon.
Aminado naman aniya ang ating Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines, na hamon ang pagpapatrolya sa ating karagatan dahil sa limitadong kagamitan gayundin ang maliliit na barkong gamit sa re-supply mission sa West Philippine Sea, kumpara sa mga barko ng China.
Welcome din kay Gonzales ang pahayag ni Sen. Francis Tolentino, na handa na ang Senado para isalang sa bicameral conference committee ang panukalang Maritime Zone Bill.
Sabi ng Mandaluyong solon, 15th at 16th Congress pa lang ay itinutulak na nila ang Maritime Zone Bill, ngunit nabibinbin sa Senado. | ulat ni Kathleen Forbes