Pinasisilip ni Senador Sherwin Gatchalian sa Department of the interior and local government (DILG) ang posibleng kaugnayan ni Bamban Mayor Alice Guo sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na na-raid sa Bamban, Tarlac nitong March 13.
Inireklamo ang naturang internet gaming licensee ng human trafficking at serious illegal detention.
Binahagi ni Gatchalian na nakakuha ang kanyang opisina ng ilang dokumento ng posibleng mag-ugnay kay Mayor Guo sa operasyon ng naturang POGO.
Kabilang na dito ang Sangguniang Bayan resolution na inilabas noong Setyembre 2020 na ang aapruba sa lisensyang magpatakbo ang Hongsheng Gaming Technology, Inc. sa Bamban Tarlac.
Ang nag-apply ng lisensya ay ang private citizen noon na si Alice Guo na siya nang alkalde ngayon.
Pebrero 2023 nang ni-raid ang Hongsheng at kalaunan ay sumulpot sa parehong compound ang kumpanyang Zun Yuan Technology, Inc., ang bagong ni-raid ng mga awtoridad.
Isa pang dokumento ay isang listahan ng mga sasakyan na natagpuan sa compound din ng Zun Yuan Tech.
Base sa Land Transportation Office (LTO) isa sa mga sasakyan, Ford Expedition EL na may plate number na CAT 6574, ay nakarehistro sa ilalim ng pangalan ni Guo.
Ayon kay Gatchalian ang mga dokumentong ito ay maaaring mag-ugnay kay Mayor Guo sa operasyon ng pasilidad ng POGO na dawit sa iba’t ibang kriminal na aktibidad, kaya dapat itong busisiin ng husto ng DILG.
Binigyang diin pa ng senador na dapat kumilos ang mga local executives para maiwasan ang mga kriminalidad sa kani-kanilang nasasakupan at hindi dapat masangkot sa mga kahina-hinalang negosyo tulad ng POGO.| ulat ni Nimfa Asuncion