Inihayag ni Department of the Interior and Local and Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na sisiyasatin ng ahensya ang posibleng pananagutan ng lokal na pamahalaan kaugnay sa pagtatagyo ng resort development sa gitna ng Chocolate Hills sa Bohol.
Sa isang pahayag, sinabi ni Secretary Abalos na kabilang siya sa mga nag-alala sa pagkakaroon ng resort development sa gitna ng UNESCO World Heritage Site at protected area.
Ayon sa kalihim, ang alinmang aktibidad na makakaabala at makasisira sa mga protected area gaya ng Chocolate Hills nang walang pahintulot ay ipinagbabawal ng batas.
Iginiit ni Secretary Abalos, na kung sakaling makitang may kapabayaan at iregularidad ang lokal na pamahalaan hindi aniya mag-aatubili ang DILG na magsagawa ng mga legal na hakbang.
Binigyang diin din ng kalihim na ang mga lokal na pamahalaan ang dapat na tagapangalaga ng kalikasan.
Tiniyak naman ni Secretary Abalos, na patuloy silang makikipagtulungan sa Department of Environment and Natural Resources upang maresolba ang usapin. | ulat ni Diane Lear