Kumpiyansa ang National Economic and Development Authority (NEDA) na huhupa na ang presyo ng bigas sa mga susunod na buwan.
Ito’y makaraang i-ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang bigas ang isa sa mga pangunahing nakapag-ambag sa pagbilis ng inflation rate sa 3.4 percent nitong Pebrero.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, nagsisimula na kasing bumaba ang presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado at inaasahan na ring madaragdagan pa ang suplay ng lokal na bigas dahil sa pagsisimula ng anihan sa Abril.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na mahigpit nang nakikipag-ugnayan ang Department of Agriculture (DA) sa International Rice Research Institute (IRRI) upang palakasin pa ang produksyon ng palay sa bansa.
Samantala, sinabi rin ni Balisacan na hinihintay na lamang ang pag-apruba ng Food and Drug Administration (FDA) sa susunod na yugto ng vaccine test kontra African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Balisacan, sakaling mapatunayang epektibo ang naturang bakuna sa mga baboy, ilalarga na ang pagbabakuna sa mga ito upang masigurong magiging sapat ang suplay ng karne nito sa bansa.
Nabatid na maliban sa bigas, bahagya ring nakapag-ambag sa pagbilis ng inflation ang pagtaas sa presyo ng mga karne ng baboy gayundin ng baka. | ulat ni Jaymark Dagala