Hindi tumaas ang presyo ng isda na ibinebenta sa Mega Q-Mart, Quezon City kahit pa pumatak na ang Lunes Santo.
Ayon sa ilang nagtitinda, hindi naman din kase nagtaas ang kuha nila sa supplier kaya walang dahilan para magtaas din sila ng presyo.
Naglalaro pa rin sa ₱110 hanggang ₱130 ang bentahan ng kada kilo ng Tilapia habang ₱130 hanggang ₱170 naman ang kada kilo ng Bangus.
Nasa ₱200 naman ang kilo ng galunggong, ₱280 ang kada kilo ng hiwas, habang ₱170 naman ang kada kilo ng Salmon ulo.
Umaabot naman ng ₱400 ang kada kilo ng Hipon.
Ayon sa mga nagtitinda, masigla ang bentahan ngayon ng isda dahil maraming Katoliko ang umiiwas na kumain ng karne sa panahon ng Semana Santa.
Marami din aniyang namimili ng isda na ipang-iihaw para sa kanilang mga outing.
Una nang nilinaw ng DA na kung sakali mang tataas ang presyo ng isda, ito ay bunsod ng mataas na demand dahil nananatiling sapat ang suplay nito. | ulat ni Merry Ann Bastasa