Patuloy sa pagbaba ang presyo ng itlog sa Agora Public Market sa San Juan City bunsod na rin ng maraming suplay nito.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, sinabi ng ilang mga nagtitinda na bagaman pabor sa pagpaparami ng suplay ng itlog ang mainit na panahon, mas lumiliit naman ang sukat nito.
Gayunman, sinabi ng mga nagtitinda ng itlog na nagkakahalaga sa ₱7 hanggang ₱9 ang kada piraso ng itlog depende sa sukat nito.
May ilan naman na kinakaya pang magbenta ng hanggang sa ₱6 ang kada piraso para sa pinakamaliit na sukat.
Samantala, nananatili naman ang presyo ng manok na naglalaro sa ₱170 hanggang ₱180 kada kilo sa whole chicken habang nasa ₱180 hanggang ₱190 ang kada kilo sa choice cuts.
Una nang iminungkahi ng ilang agri group na gamiting alternatibo ang karne ng manok gayundin ang itlog ngayong mataas ang presyo ng baboy sa mga pamilihan. | ulat ni Jaymark Dagala