Bumaba pa sa ₱15 hanggang ₱20 ang presyo sa kada tray ng itlog sa Marikina City Public Market.
Ayon sa mga nagtitinda, ito ay dahil sa mataas na suplay at mababang demand para rito.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, aabot sa ₱150 ang kada tray ng maliliit na itlog habang nasa ₱230 naman sa kada tray ng malalaking itlog.
Katumbas naman ito ng ₱5 sa kada piraso ng Small size na itlog, ₱6 sa kada piraso ng Medium, ₱7 naman sa Large, habang ₱8 ang Extra Large.
Gayunman, napansin ng ilang namimili ng itlog dito na lumiit ang sukat ng itlog, bagay na itinanggi naman ng mga nagtitinda lalo’t ayaw nilang masakripisyo ang kalidad ng kanilang paninda.
Una nang sinabi ng Philippine Egg Board Association na maliit ang sukat ng mga itlog ngayon dahil sa mainit na panahon bunsod na rin ng paghina sa konsumo ng mga manok sa kanilang patuka.
Gayunman, binigyang-diin nito na nakabatay ang presyuhan sa timbang at hindi sa sukat ng itlog. | ulat ni Jaymark Dagala