Posibleng tataas pa ang presyo ng mga mabibiling karne ng baboy sa Cebu City sa susunod na mga araw.
Ito ang kinumpirma ni Dr. Jessica Maribojoc, Head ng Department of Veterinary Medicine and Fisheries (DVMF) sa Cebu City.
Ayon kay Maribojoc, mula pa noong nakaraang buwan nang ma-monitor nila ang pagtaas ng presyo ng karneng baboy sa mga palengke dito sa lungsod.
Ipinaliwanag ni Maribojoc, na dahil sa epekto ng Africa Swine Fever (ASF) na nakaapekto sa Central Visayas tanging ang lalawigan ng Bohol lamang ang maaaring makapagpasok ng baboy sa lungsod.
Naapektuhan rin ang supply para sa Cebu City dahil pinayagan na ring makapag-supply ng baboy ang Bohol sa Negros at sa mga lugar sa Region VI.
Nakatanggap rin ng impormasyon ang DVMF, na sa susunod na linggo magtatas ng P5 ang bawat kilo ng live weight o presyo ng buhay na baboy ang mga supplier sa Bohol.
Sa ngayon aniya, nasa P160 to P190 ang per kilo ng buhay na baboy mula Bohol samantalang nasa P300 to P350 naman ang bawat kilo ng karneng baboy na mabibili ngayon sa mga palengke sa Cebu City. | ulat ni Angelie Tajapal, Radyo Pilipinas Cebu
Photo: Carbon Market Cebu