Na-bypass sa Commission on appointments (CA) ang promotion bilang one-star general ni Brigadier General Ranulfo Sevilla.
Sa naging pagdinig ng CA Committee on National Defense, napag-alaman na hindi pa rin nakakatupad si Sevilla sa unang napagkasunduan tungkol sa ibibigay na sustento ng AFP official sa kanyang mga anak.
Una na kasing nagpahayag ng pagtutol ang asawa ni Sevilla, na si ginang Tessa Luz Aura Sevilla, sa promotion nito dahil binubugbog at hindi umano ito nakakapagbigay ng sapat na sustento sa kanilang dalawang menor de edad na anak.
Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, base sa napagkasunduan nila noong nakaraang linggo, tig P15,000 kada buwan para sa dalawang anak o kabuuang P30,000 kada buwan ang dapat na ibigay ni Sevilla mula sa kanyang monthly take home pay na higit P75,000.
Matapos ang naging caucus ng CA committee sa pagkakatalaga kay Sevilla ay hindi na ito naisalang sa CA plenary.
Pinaliwanag naman ni CA National Defense Committee Chairman Congressman Jurdin Jesus Romualdo na maituturing nang bypassed ang appointment ni Sevilla dahil aabutan na ito ng adjournment ng sesyon.
Dahil dito, babalik sa pagiging colonel ang ranggo ni Sevilla.
Samantala, naaprubahan naman ang ad interim appointment ng higit 120 na generals at flag officers ng AFP.| ulat ni Nimfa Asuncion