Nagpaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa mga magbabakasyon ngayong Semana Santa na magdoble-ingat kontra sunog, lalo na kung iiwan nang matagal ang kanilang mga tahanan.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni BFP Spokesperson Annalee Atienza na malaking bagay kung sisiguruhin ng publiko na nakapatay ang kanilang main switch ng kuryente, bago umalis ng bahay.
“Dahil nga po ngayon ay Oplan Semana Santa ano po, ang atin pong laging pinapaalala kung tayo ay aalis sa ating mga bahay ay make sure na naka-switch off po ang ating mga main switch ng kuryente.” —Atienza.
Gayundin aniya ang LPG, at mas mainam kung mayroong listahan ang mga ito ng mga dapat gawin o i-double check, bago lumabas ng bahay.
“Ganoon na rin po ang LPGs natin at make sure po natin na ito ay double check or triple check pa nga po hangga’t maaari ‘no, naka-list down kung ano ang ating kailangang gawin bago tayo umalis sa ating tahanan.” —Atienza.
Kabilang na dito ang mga appliances na dapat bunutin sa saksakan.
Bukod dito, pinapayuhan rin ng opisyal ang publiko na kung mayroong mapagkakatiwalaang kapitbahay, makatutulong na ihabilin rin ang kanilang tahanan, upang agad na maipabatid sakanila sakaling magkaroon ng emergency.
“If there are instances na hindi po bubunutin, huhugutin, i-unplug iyong mga appliances or mga gamit like for example CCTV or mga refrigerator natin, i-make sure lang po natin na ito ay inihabilin natin sa ating mga trusted na mga kapitbahay para sa gayon at tayo ay magkakaroon ng emergency agad-agad po tayong matutulungan or mai-inform.” —Atienza. | ulat ni Racquel Bayan