Sa pagsisimula ng National Women’s Month ngayong Marso ay muling nagsagawa ang Commission on Human Rights (CHR) ng isang Purple Action Day kung saan bida ang mga kababaihan.
Pinangunahan ng CHR Gender Equality and Women’s Human Right Center ang ika-9 na Purple Action Day kung saan tampok ang iba’t ibang aktibidad gaya ng Purple Action Day March.
Dito, nagmartsa mula Philcoa patungong Liwasang Diokno sa CHR Central Office ang iba’t ibang grupo ng mga kababaihan kabilang ang Sarilaya, Lunas Collective, Gabriela, at iba pang women’s rights advocates.
Tema ng selebrasyon ngayong taon ang “Pamumuhunan sa Kababaihan: Kaunlaran ng Bayan,” na nakasentro sa pagbibigay boses sa mga kababaihan sa mga isyu na kinakaharap ng bawat babae sa bansa.
Nais din nitong bigyang pansin ang kahalagahan ng pamumuhunan sa kababaihan at pagkilala sa kakayahan ng mga ito.
Bukod sa Purple Action March, kasama pa sa nakalinyang aktibidad ng CHR ang Purple Movement (Kilos Lila) General Assembly, Care Fair, at Purple Bazaar na sumusuporta sa negosyo ng ilang women’s organizations. | ulat ni Merry Ann Bastasa