Inanyayahan ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) ang publiko na makibahagi sa pagdiriwang ng ika-82 Araw ng Kagitingan at Philippine Veterans Week sa darating na Abril 5 hanggang Abril 11.
Ang pagdiriwang na may temang “Pagpaparangal sa Kagitingan ng mga Beterano: Saligan ng Nagkakaisang Pilipino” ay magsisimula ng alas-6 ng umaga sa Abril 5 sa pamamagitan ng tradisyunal na sunrise ceremony sa Libingan ng mga Bayani, sa Ft. Bonifacio Taguig, na susundan ng wreath-laying ceremony; at “Review in Honor of Veterans” ng alas-9 ng umaga sa Philippine Army Headquarters, Fort Bonifacio.
Tampok sa mga aktibidad ang komemorasyon ng ika-82 araw ng kagitingan sa Abril 9 sa Mount Samat National Shrine, Pilar, Bataan, na pangungunahan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Isasagawa naman ang “Joint Tribute to all Filipino Heroes – Paggunita sa Capas” sa Abril 10 sa Capas National Shrine, Capas, Tarlac.
Magtatapos ang mga aktibidad sa pamamagitan ng Sunset Ceremony sa Libingan ng mga Bayani sa Abril 11 ng alas-6 ng gabi, kung saan isang misa ang idaraos. | ulat ni Leo Sarne