Muling nasubok ang kahandaan ng mga kawani ng Quezon City Local Government sa naka-ambang panganib dulot ng lindol sa pakikiisa nito sa 1st Quarter Simultaneous Nationwide Earthquake Drill ngayong umaga.
Eksakto alas-9 ng umaga nang bumulabog ang malakas na tunog at malakas na sirena sa City Hall, hudyat ng pagsisimula ng NSED.
Pinangunahan ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office ang ginawang earthquake drill para sa scenario ng pagtama ng Magnitude 7.2 na lindol kasunod ng paggalaw ng West Valley Fault.
Aktibong ipinakita ng nasa higit 4,000 na empleyado at ilang kliyente ang kanilang mga kaalaman at kasanayan sa naturang drill sa sabayang pag-duck, cover, and hold.
Isa isang nagbabaan din ang mga empleyado pati mga bisita at nagtipon sa mga designated evacuation zones.
Nag-set up rin ng incident command post sa tapat ng QC Hall flagpole kung saan isinagawa ang reporting at rapid damage assessment. | ulat ni Merry Ann Bastasa