Nanawagan ang Quezon City Government sa mga residente ng lungsod partikular sa mga kalalakihan na ipagtanggol ang mga kababaihan laban sa iba’t ibang uri ng karahasan.
Ito’y sa gitna ng pagdiriwang ng National Women’s Month na layong ipaglaban ang karapatan ng mga kababaihan laban sa pang-aabuso at pananamantala.
Binigyang diin ni QC Mayor Joy Belmonte, na kailangan ang kolektibong pagkilos ng mga kalalakihan laban sa lahat ng uri ng karahasan sa mga kababaihan.
Ayon sa alkalde ito ang susi at makakatulong upang makamit ang katiwasayan at kaunlaran ng lungsod.
Naniniwala si Mayor Belmonte na kayang ipakita ng mga kalalakihan ang pagiging maginoo, magalang, marangal, at makatarungan.
Bukod pa dito, nanawagan din ng pakikiisa ang alkalde upang palakasin ang puwersa ng kalalakihan laban sa anumang uri ng pagmamalupit, diskriminasyon, online abuse at exploitation sa mga kababaihan. | ulat ni Rey Ferrer