Aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang Resolution of Both Houses No. 7 o panukalang pag-amyenda sa restrictive economic provisions ng 1987 Constitution.
Tumagal ng dalawang araw ang interpelasyon at debate sa panukalang Economic Charter Change.
Bago ito, dalawang linggong sumalang sa Committee of the Whole ang Kamara kung saan inimbitahan ang iba’t ibang resource person na may kinalaman sa public utilities, edukasyon, at advertising.
Partikular na aamyendahan ang Article 12; Paragraph 2, Section 4 ng Article 14, at Paragraph 2, Section 11 ng Article 16 ng Konstitusyon sa pamamagitan ng paglalagay ng mga katagang ‘unless otherwise provided by law.’
Sa paraang ito ay mabibigyan ng flexibility ang Kongreso na makabuo ng mga panukalang batas para buksan ang ekonomiya ng Pilipinas sa mga dayuhang mamumuhunan.
Ang RBH7 ay katulad ng RBH6 na bersyon ng Senado ng Economic Cha-Cha at kasalukuyang tinatalakay sa kanilang sub-committee.
Una nang sinabi ng House leadership na target nilang pagtibayin ang RBH7 bago ang Holy Week break ng Kongreso. | ulat ni Kathleen Jean Forbes