Sa botong 23 na senador ang pabor, walang tumutol at walang nag abstain, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang Real Property Valuation and Assessment Reform Act (Senate Bill 2386).
Sa ilalim ng naturang panukala ay bibigyan ng amnestiya sa loob ng dalawang taon ang mga hindi nakabayad ng interes at multa ng real property tax.
Ayon kay Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian, inaasahang makakahikayat ito sa mga taxpayer na sumunod sa mandatong magbayad ng buwis at magpahusay sa pagsisikap ng gobyernong mangolekta ng buwis.
Ang real property valuation bill ay isa sa mga priority legislation ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa ilalim ng panukala ay mapapabilis ang pag-automate ng mga serbisyong ibinibigay ng mga lokal na pamahalaan, na magpapahusay naman sa pangongolekta ng buwis at magpapabuti ng paghahatid ng mga serbisyo.
Nakapaloob rin dito ang pagtatatag ng real property information system na magpapanatili ng updated electorinic database ng mga transaksyon ng real property sa bansa
Binigyang diin ni Gatchalian na maitataguyod ng panukalang ito ang transparency at mapapaigiting ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan. | ulat ni Nimfa Asuncion