Patuloy pa ring pinag-iingat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang publiko sa pagkain ng mga shellfish na makukuha sa anim na baybaying positibo pa rin sa red tide toxin.
Ayon sa BFAR, kabilang sa mga apektado nito ang baybayin ng Milagros sa Masbate; coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; San Pedro Bay sa Samar at Matarinao Bay sa Eastern Samar; Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur; at coastal waters ng San Benito sa Surigao del Norte.
Dahil sa nadiskubreng Paralytic Shellfish Poison (PSP) ay hindi pa rin ligtas kainin ang mga shellfish na mahahango sa mga naturang katubigan.
Sa kabila nito, ligtas naman kumain ng mga isda, pusit, hipon at alimangong huli o nagmula sa nasabing karagatan, basta mahugasan at maluluto itong mabuti. | ulat ni Merry Ann Bastasa